ARNEL R. BUARON….. ALAALA SA HABANG PANAHON
by: juanpusong101
Kasabay ng ulan at hanging kaylakas
Biglang pumagitna balitang kagila-gilalas
Chief ARNEL kalimitang tawag sa mentor kung matikas
Pumanaw na raw sya dinig kong pagkalakas-lakas
Katawan ko’y nanginig di dahil sa lamig
Tuhod ko’y nangalog di dahil sa pagod
Di ko na napansin nangyayari sa paligid
Dahil luha sa mata ko’y nagsimula ng nangilid
Kwento ng buhay ni Chief kay hirap simulan
Sa 14 na taon sya’y aking naging opisyal, kaopisina, kainuman at kaibigan
Sa huling pagkakataon, inyo sanang hayaan
Ang buhay ni Chief Arnel, ilalahad ko sa alam kong paraan
Kung siya’y inyong kilala, hindi na kayo magtataka
Kung bakit labis- labis ang paghanga ko sa kanya
Dedikasyon sa trabaho, organisasyon (LBPEA), kaibigan at pamilya
Sa mahabang panahon ginugol ang oras niya
Sa maputi niyang mukha, madalas mong makita
Matipid na ngiti, na tila nahihiya
Kung gaano siya katipid ngumiti at magsalita
Siya namang galante sa pagtulong sa kapwa
Bilang hepe ng dibisyon sa ating institusyon
Panunungkulan nya, di mo maaaring makuwestyon
Pamamalakad nya’y mahigpit ngunit may mabuting layon
Mapanatiling ang trabaho ay maayos at naaayon
Sa mahabang panahon, nagsilbi siya sa UNYON
Sa kapwa empleyado siya’y naging inspirasyon
Aktibong nakikialam sa kapakanan ng organisasyon
Lideratong malinis at tapat, pinamalas ng maraming taon
Sa bawat impormasyong iyong kailangan
Si Chief Arnel palaging pwedeng pagtanungan
Sa oras ng matinding pangangailangan at kagipitan
Sa konting biro lang, minsan siya’y nahihiraman
Pagmamahal sa tungkulin sa Bangkong pinagsilbihan
Nahirapan siyang pigilan at dagliang kalimutan
Sa kabila ng karamdaman ng pagal niyang katawan
Matalas niyang isipan nanatiling lumalaban
Saludo, Salamat at Paalam
Saludo ako sa iyong katapatan bilang pinuno at kaibigan
Salamat sa maikli ngunit makabuluhang panahon na sa ami’y iyong inilaan
Paalam na ika’y wala na sa piling naming iyong mga kaibigan
Ang iyong pagkawala ay kumuha ng aming bawat atensyon
Ngunit kung paano ka nabuhay ay tila isang leksyon
Na paulit-ulit sasambitin at aalalahanin kahit ilang henerasyon
ALAALANG alam kung mananatili sa HABANG PANAHON……….